ni Goody Cadaos**
dibuho ni Kendrick Bautista
Isa ka sa sampong milyong Filipino
Na lumabas ng bansa
Napadpad sa gitnang silangan
Doon nakipagsapalaran.
Iniwan mo ang sariling bayan
Dala ang pag-asang...
Makaahon sa kahirapan
At mapagtapos ang mga anak sa pag-aaral.
Sa Saudi Arabia
Pansamantalang nanirahan
Nagtrabaho, naghanap-buhay
Upang pamilya’y umangat ang buhay.
Tiniis mo ang lungkot at hirap
Na mawalay sa pamilya
Malayo sa mga mahal na anak
At sintang kabiyak.
Hindi mo ininda
Ang pangungulila
Sa iniwang mga magulang
Kaibigan,kapatid at pamilya.
Sumabay ka sa unos
Ng kapwa dayuhang manggagawa
Nakipagpalitan ng balita
Sa naiwang pamilya.
Wala sa ‘yong hinagap
Na mabahiran ng trahedya
Tahimik mong paghahanap-buhay
At masayang pakikipagkapwa.
Isang dayukdok sa laman
Ang nagtangkang sumira
Sa’yong tanging yaman’g
Puri at karangalan.
Nagapi mo ang buhong
Nakitil ang kanyang buhay
Na s’yang nagdala sa’yo
Sa madilim na piitan.
Mag-isa kang tumayo
Sa harap ng husgado
Salaysay mo’y inilahad
Walang itinago, walang binago.
Pinabayaan ka ng ating gobyerno
Sulong iginiit ang karapatan mo
Isinalaysay ang pangyayaring buo
Ngunit ‘di pinakinggan ng tagalitis mo.
Humantong ka sa kulungan
Napasama sa ibang lahi’t mga kababayan
Nakiusap, nagdasal kay Allah
Sana’y patawarin at bigyang laya.
Pagpupugay ang hatid namain sa’yo
Saludo sa prinsipyo mo
Na ipaglaban hindi lang sarili mo
Kundi pati na rin kapwa mo.
Pumanaw kang isang bayani
Sa paningin ng mga migrante
Matapang mong ipinaglaban
Ang puri at karangalan
Ng mga Pilipinong
Nasa ibang bayan.
*Goody Cadaos worked as domestic helper in Hong Kong for years. She is now a volunteer for Migrante International.
**Rey Cortez was sentenced to death for allegedly killing a Pakistani who tried to rape him in Saudi. He was killed in July 2007.
Rey...* Migrante
Posted by Pinoy International Thursday, November 8, 2007 at 8:34 AM
Labels: Issue 1 articles, Kultura, Tula
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment