NCLEX sa Pinas na!

ni Mac Ramirez
Philippine Correspondent

Magandang balita para sa libo- libong mga Pilipinong nars na nangangarap makapagtrabaho sa Estados Unidos. Simula Agosto 23 hanggang Disyembre ngayong taon, maaari nang makuha sa bansa ang National Council Licensure Examination (NCLEX) sa Pearson Professional Center sa Makati City.

Ayon kay Dante Ang, pinuno ng Presidential Task Force on the NCLEX at ng Commission for Filipinos Overseas (CFO), napili ng United States’ National Council of State Boards of Nursing (NCSBN) ang Maynila bilang isa sa mga lunsaran ng eksaminasyong NCLEX sa mundo matapos itong imungkahi ng pamahalaan ng Pilipinas.

Dahil dito, makatitipid ng aabot sa P100,000 ang kada isang Pilipinong nars na nagnanais kumuha ng examination ayon kay Ang. Hindi na nila kailangang pumunta sa mga international NCLEX testing sites gaya ng Hong Kong, Singapore, at Saipan.

“Kailangan lamang nilang magbayad ng $200 examination fee at karagdagang $150 kapag naitakda na ang shedule ng kanilang pagsusulit” sabi ni Ang.

Sa unang araw ng exam sa Pearson Professional Center, 90 Pilipinong nars ang kumuha ng pagsusulit at ang karamihan sa kanila ay nagmula sa Metro Manila.

0 comments: