Showing posts with label Editorials. Show all posts
Showing posts with label Editorials. Show all posts

EDITORIAL

Mahahalata sa SONA ni Pang. Arroyo, sa pagtaya ng gubyerno, hinibang na tayong lahat ng gutom. Ipinatatanggap na lamang sa ating wala silang pananagutan, ni paliwanag, sa mabilis na paglalim ng karalitaan sa bansa. Inaasahan nilang ipagpapasalamat na natin ang awa at mumong limos na kanilang alok. Pinaniniwala tayong pagpiga pa ng buwis ang ultimong solusyon sa krisis. Rurok na ito ng pagmaliit at pag-insulto ng pamahalaan sa kakayahan ng mamamayang limiin ang mali sa tama, ang buktot sa makatarungan.


Malamang dahil laging bundat at marangya ang pamumuhay, hindi batid ng mga nasa kapangyarihan ang ginagawa ng lagi’t-laging gutom sa tao.


Taliwas sa inaasahan ng gubyerno, hindi minamanhid ng pagdurusa ang mamamayan. Bilang ng mga tsuper, may 20 beses na tumaas ang presyo ng langis mula Enero hanggang Hulyo. Bawat araw, mas nakakapamitig ng binti ang pagpila ng mamamayan para sa NFA rice. Kinukwenta-kwenta ng mga manggagawa kung magkano ang dapat nilang sahurin para makapamuhay ng disente ang kanilang pamilya. Doble, triple man ang trabaho, laging nakatutok ang isang tainga ng mga OFW sa mga kaganapan sa iniwang bansa.


Malayo sa pangarap ng pamahalaan, hindi sila pinapanginoon ng masa kapalit ng mga pakitang-taong limos. Habang nakapila sila sa pagkuha ng P500 pantawid kuryente, habang inaabot nila ang sari-saring pautang package, nagpupuyos ang kanilang kalooban dahil hinuhubdan sila ng gubyernong ito ng dignidad at ginagawang mga kaawa-awang pulubi.


Pinapatalas ng pang-araw-araw nilang pakikihamok sa buhay ang pagsuri ng mamamayan sa reyalidad. Nasusuma nila, higanteng tubo ang kinakabig ng mga kumpanya ng langis sa lingguhang pagtaas ng presyo nito. Nakikita nila, mga dayuhang kumpanya, malls at golfcourse na ang nakatayo sa dating malalapad na taniman ng palay. Nasusubaybayan nila, lalong yumayaman ang pamilyang Arroyo habang nasa kapangyarihan. Mahirap tanggapin ang sinasabi ni Pang. Arroyo na biktima ang lahat sa kasalukuyang krisis. Alam ng mamamayan, kahit pa nga sa aksidente at kalamidad, mayroong may kasalan, may kailangang managot.


Kung kaya, labindalawang beses mang sinambit ni Pang. Arroyo ang VAT sa SONA, parang mantra mang inulit-ulit niyang sasagipin tayo ng VAT, hindi nito malilinlang ang mamamayan. Batid ng mamamayan, ipinagtatanggol ni Arroyo ang VAT dahil pondo itong mawawaldas sa katiwalian at pambayad utang sa mga dayuhan. Kalabisan nang kumbinsihin pa tayong maniwala na dapat pang kuhanan ng dugo ang agaw-buhay nating katawan para gamiting pampataba sa mga dayuhan at nasa kapangyarihan.


Hindi batid ng pamahalaang Arroyo, higit na nakahihibang kaysa gutom ang pagkalunod sa yaman at kapangyarihan. Kung kaya iniisip nitong mangmang at wala sa katinuan ang mamamayan. Kung kaya inaakala nitong sapat na ang kanyang pag-arte sa SONA at ilang kusing na kawanggawa para himasin ang disgustadong mamamayan.


Higit sa anupaman, tinuturuan ng kagutuman ang mamamayan na hanapin ang solusyon sa kanilang kalagayan. Dahil walang laman ang sikmura, sa naghihimagsik na damdamin sila humuhugot ng lakas. Hindi malayong maganap, habang naglulunoy ang pamahalaang Arroyo sa kanilang kahibangan, gugulantangin na lamang sila ng pagsambulat ng galit ng sambayanan.

Editorial: Bagong Bayani

Editorial Cartoon: ni Kendrick Bautista

Bagong Bayani

Isang pagkilala sa mga Pilipinong nasa ibang bayan ang paglalathala ng pahayagang ito. Mahigit nang sampung milyon ang ating mga kababayang nasa iba’t ibang lupain at patuloy na nadaragdagan sa araw-araw. May ilang hinahatak ng ipinalalagay na mas magandang buhay sa mga bansang lubos na ang kaunlaran ng kapitalismo o, sa termino ni Alvin Toffler, mga post-industrial society. Pero ang karamihan ay itinutulak ng lumalatay na kahirapan at talagang kagutuman na nga. Hindi na masuportahan ng ekonomya at pulitikang cacique ng Pilipinas ang kanyang mga mamamayan. Lalo na at napupunta lamang sa mga kumprador-panginoong maylupa, mga dayuhang kapitalista at mga negosyanteng pulitiko ang kita ng industriya at komersyo ng bansa. Buong-buo nilang nahahamig ang mga biyaya ng likas na yaman ng ating bayan. Ultimong ang mga itinuturing na pamana ng lahi (national heritage) ay nauuwi sa pansarili nilang pakinabang.

Sahod lamang ang umaambon sa mga mamamayang naiempleyo ng kapital. Sahod na kapalit ng maghapong kayod-kalabaw na pagtatrabaho, nakakapata, pumapagal sa buong kalamnan, rumirindi sa katawan at kaluluwa. Isang karampot na sahod na halos sapat lamang para sa pansariling pangangailangan at para mairaos ang pamilya sa antas ng karalitaan na kayang tagalan.

Kaya, lumalarga tayo saanman kailangan ng kapital ang ating pagtatrabaho. Walang kaso iyon man ay bansang may yelo o mainit na disyerto. Walang kaso anuman ang kustombre ng mga tao sa lipunang ating pupuntahan. Walang kaso kung may kaguluhan o gera pa nga at ginugulantang tayo ng mga bumabagsak na bomba o, ika nga, hinahabol ng bala.

Nagkaroon ng malaking paglakas ang pandarayuhan ng mga Pilipino mula kalagitnaan ng dekada ’70. Hindi natagalan ang estado na matutunang pagkitaan ang malawakang pangingibang-bayan ng kanyang mamamayan. Naging pangunahing export item ang OFW. Nagsimula bilang pansuhay lamang ng gumigiray na ekonomya sa ilalim ng rehimeng Marcos, ito na ngayon ang salbabida ng pambansang ekonomya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Sa puntong ito masasabing tama ang ipinagyayabang ng gobyerno na iba ang economic fundamentals ng Pilipinas. Matibay na sandigan nito ang remittances.

Pero, isang kabalintunaan ang kalakalin ng estado ang kanyang mamamayan para lamang patuloy itong umiral, na ewan natin kung nangyari na sa kasaysayan. Maliban sa pananakop at pagdambong sa mga lupain ng mga mamamayan ng Ireland, walang record na kinalakal ng Inglatera ang mga Irish nang magkaroon ng malawakang pandarayuhan, partikular sa North America, bunga ng pagkakaroon ng ulalo ng pagkain nilang kamoteng puti. Mga kalagayang pangkasaysayan at walang kinalaman ang mga duke at prinsipe ng mga malayong lunsod at kastilyo, sampu ng emperyo ni Bismarck, sa maramihang pandarayuhan ng manggagawang Aleman sa Pransya at iba pang bansa sa Europa sapul nang madurog ang Alemanya ng Thirty Years War. Kung sakali, promotor ang gobyerno ng Pilipinas ng ganitong tunguhin.

Pero, kahit walang iniwan na lamang sa karaniwang kalakal ang turing, hindi kasamang nailugso ng ganitong hamak na trato ang katauhan ng mga Pilipinong nangibang bansa. Nanatili ang kanilang pagiging masikhayin at mapanlikha, dibosyon sa gawain, diwang mapagpakasakit, determinasyon sa gustong matamo harangan man ng libong balakid – isang magandang katangian, na katangian din ng mga ordinaryong Pilipino, na nagbibigay ng katiyakan na kayang matamo ang isang pambansang pagbabago. kahit magdaan man ang mahabang panahon bago ito maisakatuparan. Tangan ang ganitong paninindigan talagang masasabi natin na ang mga Pilipino sa labas ng bansa ay nabibilang sa mga bagong bayani ng ating Inang Bayan.