Isa sa bawat apat na biktima ng Human Trafficking: Pinoy

ni Mac Ramirez
Philippine Correspondent


Ito ang katotohanang isiniwalat ng International Justice Mission (IJM) in the Philippines sa isang pulong balitaan kamakailan lamang.

Ayon sa grupo, tinatayang aabot sa 2.5 milyon katao ang nabibiktima ng human trafficking sa buong mundo taun-taon at kumikita ng $32 bilyon ang pandaigdigang negosyong ito.
Mahigit 500,000 sa mga nagiging biktima ay mga kababaihan at kabataang Pilipino, ayon sa IJM.

Sa kabila ng pagkakapasa ng Republic Act 9208, o ang Anti- Trafficking in Persons Act of 2003, napakaliit lamang ang bilang ng mga kasong nai-uulat sa mga kinauukulan, anang IJM.


Dagdag pa nila, mula 2003 hanggang 2005, 109 lamang ang kaso ng human trafficking na napaulat sa mga otoridad at sasampu (10) lamang sa mga akusado ang naparusahan.


Samatala, nagpahayag din ng pagkabahala ang Gabriela Women’s Partylist (GWP) sa lomolobong bilang ng mga kababaihan at kabataang nagiging biktima ng trafficking.


Ayon kay Luz Ilagan, kinatawan ng GWP sa kongreso, matinding kahirapan sa Pilipinas ang ugat ng lumalalang kaso ng human trafficking sa bansa. “”Sa tindi ng desperasyong makalabas ng bansa para lamang makaahon sa kahirapan, napakaraming babae at bata ang nabibiktima ng mga manlolokong rekruter at nahuhulog sa prostitusyon sa ibayong dagat,” ani Ilagan


Dagdag pa niya: “ Marami ring mga nangingibang-bayan ang mga nagogoyo ng ‘palit-kontrata’, kung saan pagbebenta ng laman ang kanilang kinasasadlakan at hindi ang mga trabahong orihinal na nakasaad sa kanilang mga kontrata.”


Nanawagan ang Gabriela sa pangulong Gloria Arroyo at sa Department of Foreign Affairs (DFA) na saklolohan sa lalong madaling panahon ang mga Pilipinang biktima ng human trafficking sa buong daigdig.


Sa pakikipagtulungan sa grupong MIGRANTE International, ang Gabriela ay nakatakdang maglunsad ng isang pandaigdigang kampanya laban sa lumalalang human trafficking sa mga kababaihan at kabataang Pilipino.


0 comments: