Ang Huling Paglipad ni Darna

ni Pamela Pangilinan

Philippine Correspondent

Nasaksihan ng sambayang Pilipino ang pakikipagsapalaran sa buhay ni Alwina, Narda, Gabriela.

Mula nang nakilala natin ang matamis niyang ngiti sa mga commercial at bilang malambing na karelasyon sa Click, nakisalo na tayo sa unan ng kanyang mga pangarap.

Unti-unti, naging bahagi tayo ng kanyang ebolusyon. Mula sa dalagitang pinalampas ng ngiti at inanod ng luha ang mga pighati, napako ang pansin natin sa isang babaeng sa gitna ng unos at pagsubok ay nagpunyagi laban sa pang-aapi at kasamaan. Buong tapang niyang hinarap ang lahat ng problema. At sa lahat ng tagumpay niya laban sa mga Ravena, kay Braguda at mga masasamang loob, sabay-sabay tayong nagbunyi.

Larawan siya ng isang mapagmahal na anak, kapatid, kaibigan at karelasyon. Tunay na inspirasyon ng mga inang sa gitna ng pamumumroblema kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na sahod ng asawa, ay may ngiti sa labing naghahain ng hapunan ng mga anak.

Huwaran ng mga ate na maagang nag-iisip maghanapbuhay para makapagpaaral ng mga kapatid. Liban pa. inspirasyon ng lahat ng pangga, mahal, sweetheart, honey upang ipaglaban ang lalaking pinakamamahal.

Ilang linggo na ang nakalilipas ng gulantangin tayong lahat nang akalain nating tuluyan nang itinupi ni Alwina ang kanyang mga pakpak. Nasangkot sa mga kontrobersiya ang tsampyon nating babae na mas malakas ang suntok at sipa sa mga goons, mas matalim ang mga kataga kaysa sa mga kidlat.

Matapos masangkot sa sex scandal, ay nagpasya siyang magtungo sa England. Bugbog sarado din ang ating bida dahil sa isyu ng di pagkakasundo sa talent fee at mga proyekto sa kanyang mother network, Sa ilang linggong pananahimik ni Angel Locsin, inakala nating lahat na tuluyan na siyang sumuko.

Pansamantala, naging mabigat ang pagkukusot natin ng ating mga labada, pumait ang adobong kangkong, pumakla ang bahaw na kanin, naging makulimlim ang paligid.
Pero kagaya ng inaasahan, nagbalik si Darna. At kagaya ng lahat ng babaeng di kayang igupo ng kabiguan, muli siyang humarap sa atin na mas matapang at punung puno ng pag-asa. Hindi niya tayo binigo nang muli siyang humarap sa atin at tiniyak ang kahandaan niyang lumaban.
Sa kanyang paglipat sa Dos, patuloy ang paglipad ni Darna. Patuloy din ang pakikipagsapalaran natin sa buhay.

0 comments: