Editorial: Bagong Bayani

Editorial Cartoon: ni Kendrick Bautista

Bagong Bayani

Isang pagkilala sa mga Pilipinong nasa ibang bayan ang paglalathala ng pahayagang ito. Mahigit nang sampung milyon ang ating mga kababayang nasa iba’t ibang lupain at patuloy na nadaragdagan sa araw-araw. May ilang hinahatak ng ipinalalagay na mas magandang buhay sa mga bansang lubos na ang kaunlaran ng kapitalismo o, sa termino ni Alvin Toffler, mga post-industrial society. Pero ang karamihan ay itinutulak ng lumalatay na kahirapan at talagang kagutuman na nga. Hindi na masuportahan ng ekonomya at pulitikang cacique ng Pilipinas ang kanyang mga mamamayan. Lalo na at napupunta lamang sa mga kumprador-panginoong maylupa, mga dayuhang kapitalista at mga negosyanteng pulitiko ang kita ng industriya at komersyo ng bansa. Buong-buo nilang nahahamig ang mga biyaya ng likas na yaman ng ating bayan. Ultimong ang mga itinuturing na pamana ng lahi (national heritage) ay nauuwi sa pansarili nilang pakinabang.

Sahod lamang ang umaambon sa mga mamamayang naiempleyo ng kapital. Sahod na kapalit ng maghapong kayod-kalabaw na pagtatrabaho, nakakapata, pumapagal sa buong kalamnan, rumirindi sa katawan at kaluluwa. Isang karampot na sahod na halos sapat lamang para sa pansariling pangangailangan at para mairaos ang pamilya sa antas ng karalitaan na kayang tagalan.

Kaya, lumalarga tayo saanman kailangan ng kapital ang ating pagtatrabaho. Walang kaso iyon man ay bansang may yelo o mainit na disyerto. Walang kaso anuman ang kustombre ng mga tao sa lipunang ating pupuntahan. Walang kaso kung may kaguluhan o gera pa nga at ginugulantang tayo ng mga bumabagsak na bomba o, ika nga, hinahabol ng bala.

Nagkaroon ng malaking paglakas ang pandarayuhan ng mga Pilipino mula kalagitnaan ng dekada ’70. Hindi natagalan ang estado na matutunang pagkitaan ang malawakang pangingibang-bayan ng kanyang mamamayan. Naging pangunahing export item ang OFW. Nagsimula bilang pansuhay lamang ng gumigiray na ekonomya sa ilalim ng rehimeng Marcos, ito na ngayon ang salbabida ng pambansang ekonomya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Sa puntong ito masasabing tama ang ipinagyayabang ng gobyerno na iba ang economic fundamentals ng Pilipinas. Matibay na sandigan nito ang remittances.

Pero, isang kabalintunaan ang kalakalin ng estado ang kanyang mamamayan para lamang patuloy itong umiral, na ewan natin kung nangyari na sa kasaysayan. Maliban sa pananakop at pagdambong sa mga lupain ng mga mamamayan ng Ireland, walang record na kinalakal ng Inglatera ang mga Irish nang magkaroon ng malawakang pandarayuhan, partikular sa North America, bunga ng pagkakaroon ng ulalo ng pagkain nilang kamoteng puti. Mga kalagayang pangkasaysayan at walang kinalaman ang mga duke at prinsipe ng mga malayong lunsod at kastilyo, sampu ng emperyo ni Bismarck, sa maramihang pandarayuhan ng manggagawang Aleman sa Pransya at iba pang bansa sa Europa sapul nang madurog ang Alemanya ng Thirty Years War. Kung sakali, promotor ang gobyerno ng Pilipinas ng ganitong tunguhin.

Pero, kahit walang iniwan na lamang sa karaniwang kalakal ang turing, hindi kasamang nailugso ng ganitong hamak na trato ang katauhan ng mga Pilipinong nangibang bansa. Nanatili ang kanilang pagiging masikhayin at mapanlikha, dibosyon sa gawain, diwang mapagpakasakit, determinasyon sa gustong matamo harangan man ng libong balakid – isang magandang katangian, na katangian din ng mga ordinaryong Pilipino, na nagbibigay ng katiyakan na kayang matamo ang isang pambansang pagbabago. kahit magdaan man ang mahabang panahon bago ito maisakatuparan. Tangan ang ganitong paninindigan talagang masasabi natin na ang mga Pilipino sa labas ng bansa ay nabibilang sa mga bagong bayani ng ating Inang Bayan.


0 comments: