Ang Inyong Pahayagan

Sa wakas, narito na ang pahayagan na sasalamin sa tunay na tinig, diwa at damdamin ng ating mga kababayan sa ibayong dagat.

Ang Pinoy International ay naglalayong maipaabot sa pinakamalawak na mambabasa ang buhay ng mga Pilipino sa ibang bansa, gayundin ng kanilang mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas; maikwento ang kanilang paglalakbay, sampu ng kanilang mga kabiguan at tagumpay; maisalarawan ang kanilang kasiyahan, pighati at maging ang kanilang mga pakikipaglaban.


Sa kabilang banda, bubusisiin din ng Pinoy International ang mga mahalagang batas at patakaran na may kaugnayan sa pangingibang bayan ng mamamayan; mga asuntong kinakaharap ng mga Pilipino sa ibang bayan; at pati mga programang pangkalusugan at pangkabuhayan.


Gayundin, nais namin na ang Pinoy International ay magsilbing tulay nang pagtutulungan, bayanihan at pagkakaisa. Nais rin namin na ito ay maging daluyan nang pagkakakilanlan, pagkakaibigan at pagsasama ng mga Pilipino saan man sila naroroon.


Higit sa lahat, nais namin na muling ilapit sa inyo ang pangungulila ng ating Inang Bayan. Pangungulila sa kanyang mga anak na matagal na nawalay sa kanyang pag-aaruga. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapabatid sa mga mahahalagang pambansang kaganapan, mga pagsusuri sa likod ng mga isyu, at kung paano tayo makikilahok sa mga usaping ito bilang mga Pilipino.


Umaasa ang lahat ng bumubuo ng pamatnugutan sa inyong mainit na pagtangkilik sa inyong pahayagan – ang Pinoy International.

0 comments: