ni Jon-jon Magtanggol
Philippine Correspondent
Maraming kababayan natin ang nag-aalala kung anong buti ang magagawa ng Senado para sa bansa, laluna at oposisyon ang karamihan sa nanalo. Maraming nagsasabi na patunay ang resultang ito ng eleksyon sa pagkadismaya ng mayorya sa panunungkulan ng pamahalaang Arroyo, o yung tinatawag na “protest votes.”
Pero ano nga kaya ang talagang maaasahan natin sa mga bagong senador? Bukod sa mga eksplosibong usaping nakasalang ngayon sa Senado, lalo sa muling paglutang ni Vidal Doble ng “Hello Garci,” ay inaantabayanan din ng taumbayan ang pagsasagawa ng mahahalaga at prioridad na batas tulad ng “Cheaper Medicine Act,” “Amendments to the EPIRA Law,” at iba pa.
Isinalang din bilang isa sa pinakaimportanteng panukala para sa taong ito ang pag-apruba ng Senado sa JPEPA (o Japanese-Philippines Economic Partnership Agreement). Maaalala na noong Disyembre 2006 pa ipinipilit ng Pangulong Arroyo ang agarang pagratipika o pag-apruba ng Senado sa JPEPA lalu’t pinapaapruba na ni Junichiro Koizumi, punong ministro ng Japan, sa parlamento nito ang naturang kasunduan.
Balik-tanaw
Setyembre 9, 2006, nang sabay na lagdaan nina Arroyo at Koizumi ang JPEPA sa Helsinki, lamang at hindi naging madali kay Arroyo na ipaapruba ang kasunduang ito sa Senado dahil inabutan na ng paghahanda at pagdaraos ng eleksyon.
Samantala, halos dalawang taon pa ang nakaraan bago nakakuha ng kopya ng kasunduang JPEPA ang mga civil society groups, ang Korte Suprema, at ang mamamayan.
Matatandaang 2002 pa sinimulan ng Japan ang puspusan at sistematikong pagsasagawa at pagpipilit na mapasok ng mga bilateral na kasunduan ang maliliit na bansa tulad ng Thailand, Singapore at Pilipinas. Naging mabagal at nakasagabal ang mga pang-ekonomyang kasunduan sa ilalim ng mga rehiyunal na pormasyong dikta ng World Trade Organization (WTO) at General Agreement on Tariff and Trade (GATT) tulad ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nation) na daluyan ng mga ekonomikong kasunduan sa pagitan ng malalaking industrialisadong bansa at maliliit tulad ng Japan at Southeast Asia.
Sa katunayan, Abril 21, 2003 pa pinagtibay ang unang “working draft” o burador ng JPEPA na nagsilbing natural na daluyan ng mga Asian summits o ASEAN economic summits para tuwirang mailako ng Japan ang kasunduan sa mga indibidwal na bansa sa Asya.
Taong 2002, ipinatupad na ang JSEPA (Japan-Singapore Economic Partnership Agreement); noong 2005, pinagtibay ang JMEPA (Japan-Malaysia Economic Partnership Agreement); at kasunod nito ang paglagda ni Pangulong Arroyo sa JPEPA. Nakasalang naman ang mga kasunduan sa pagitan ng Japan at India, Vietnam at Australia.
Mga Delikadong Probisyon
Pinakamapinsala sa mga probisyon ng JPEPA ang pamumuhunan at kalakal. Binibigyan ng kasunduang ito nang laya ang Japan na mamuhunan at makipagkalakalan sa Pilipinas na may “preferential treatment” (espesyal na trato) sa mga negosyong itatayo ng Japan sa Pilipinas.
Ibig sabihin, kasama sa espesyal na trato ang halos libreng buwis sa mga produktong gawa Japan. Ayon mismo sa probisyon, pareho lang ang magiging turing ng Pilipinas sa produktong gawa sa Japan at sa bansa; bunga nito’y di hamak na magiging mura ang mga produktong ipapasok ng Japan kaysa gawa sa bansa. Mangangahulugan ito ng pagkalugi ng mga produktong kapareho o di kaya’y bahagi ng proseso ng paggawa ng lokal na produkto. Halimbawa, mga kemikal o mga gamot na gawa sa bansa, pagmanupaktura ng mga bahagi ng computer o anumang elektronikong produkto, o mga sangkap sa paggawa ng pagkain o ng mismong pagkain at mga negosyong pagkain.
Tiyak na mamamayani ang mga negosyong Hapon at tiyak ding apektado at tataas ang presyo ng mga produktong nabibilang sa Information and Digital Technologies tulad ng computer, cell phone, radio, camera, TV, chemical at mga katulad nito. Dahil sa pagpayag natin sa “tulong sa teknolohiya” na magmumula sa Japan, ayon sa JPEPA, itatali ang ating mga kamay sa pagsandig sa mga produktong mula sa Japan, samantalang hindi magiging madali para sa Pilipinas na makakuha ng mas mura at kaparehas na produkto mula sa ibang bansa bunga ng kasunduang ito.
Ayon kay Sonny Africa ng IBON, malaki ang mga probisyong di patas sa JPEPA. Katunayan sa Annex 1 na listahan ng mga produktong sakop ng proteksyon ng bansa o mga produktong hindi sakop ng JPEPA, nakalista ang 239 produkto tulad ng isda, seaweed, livestock, gulay, prutas, alak, sigarilyo at balat na ayaw ipasaklaw ng Japan sa JPEPA. Samantala sa Pilipinas, bigas at asin lang ang ayaw nitong isama sa kasunduan.
Ibig sabihin, mas malawak ang proteksyon ng JPEPA sa mga produktong mula sa Japan samantalang walang proteksyon ang Pilipinas laban sa mga kaparehas na produktong mula sa Japan.
Ang electronics ay isa sa pinakalamalaking produktong pang-eksport ng Pilipinas sa Japan, subalit ang Pilipinas rin ang pinakamalaking importer ng electronic components galing Japan. Kaya hindi totoo ang pag-asang lalaki at lalakas ang industriya ng electronics sa bansa. Manapa, tiyak na dadausdos ito sa pagliit ng import at export ng Philippine electronics sa China.
Ayon sa Basel Action Network (o BAN), isang pandaigdigang “environmental watch dog group” na nakabase sa Seattle, USA, ang mga kasunduan tulad ng JPEPA ay paraan para maipuslit ng Japan ang mga mapanganib na basura, tulad ng pharmaceutical wastes at latak ng langis na naglalaman ng PCBs. Wala umanong ibang layunin ang mga kasunduang tulad ng JPEPA kundi gawing basurahan ng Japan ang maliliit na bansa sa Asya kabilang na ang Pilipinas.
Sinasaad ng kasunduan ang pagbabawal o pagtatapon o pagpasok ng mga produktong likha ng fission at fussion, at ang pagpasok ng teknolohiya at pagbibenta ng mga anumang klaseng armas pandigma. Pero hindi isinama ang mga basura sa produksyong nuclear, ang mga petrochemical, chemical, bio-genetic na produktong maaaring may katulad o mas malalang epekto at peligro sa bansa.
Dahil dito malakas ang pagtutol ng mga progresibong grupo sa bansa dahil sa JPEPA. Noong 2006, naglunsad ng mga pagkilos ang BAYAN , GABRIELA, at iba pang kaugnay na grupo para ipaalam sa mamamayan ang masamang kasunduang ito kapag pinagtibay ng Senado. Anila, isusuong nito sa peligro ang buong bansa, pati na ang likas-yaman at mamamayan.
Tahasan nang sinasabi ng Japan na hindi sila papayag na baguhin pa ang mga probisyon at laman ng JPEPA. Iginiit nila na ito ay pinal na at hindi sila papasok sa ibang bilateral na kasunduan sa Pilipinas kung di sa pamamagitan ng JPEPA.
Exchange Deal
Kamakailan, sinabi ni Domingo Siazon, ambassador ng Pilipinas sa Japan, na malaking oportunidad umano ang bubukas sa mga overseas Filipino workers (OFWs) at mga medical professionals kapag napagtibay ng Senado ang JPEPA.
Ito ang lutang na exchange deal, ika nga, sa pagitan ni Arroyo at Koizumi. Aprubahan lang ang JPEPA, bubuksan umano ng Japan ang bansa nito sa mga OFW. Dagdag pa, titiyakin ng Japan na makapagpalipat sa Pilipinas ng mga bagong teknolohiya nito. Pero hindi nakalista kung anong teknolohiya, maliban sa “Paperless Financial Transaction System” o teknolohiyang gumagamit ng computer.
Nagsilbing tagapagsalita ng Japan si Siazon sa pangungumbinsi sa mamamayang Pilipino na may malaking job opening sa Japan bunga ng nagkaka-edad na populasyon. Dumarami diumano ang pangangailangan sa mga tagapag-alaga o caregiver at iba pang medical practitioners sa Japan.
Ang hindi nakita ni Siazon ay ang sobrang higpit o pagsasala para makapasok ang sinuman sa ganitong trabaho sa Japan. Malaking hadlang sa mga Pilipino ang lengwahe o pagsasalita ng Niponggo. Kailangang may sapat na kakayahan ang mga Pilipinong aplikante sa pagbabasa, pagsusulat at pagsasalita ng Niponggo. Kung susuriin, hindi handa ang mga Pilipinong aplikante para sa ganitong pagsasala. Kaya konti lang ang uubra sa sinasabing oportunidad sa trabaho.
Isa rin si Raul Gonzalez, kalihim ng Department of Justice, na nagsusulong ng interes ng Japan nang sabihin niya na wala siyang nakikitang masama sa JPEPA. Para na rin niyang sinabi na pagtibayin na ng Senado ang kasunduan.
Ngunit ayon kay Congresswoman Liza Maza ng Gabriela Women’s Party, “lalong dapat gawing transparent o isa-publiko ang mga pagtalakay sa Senado ng JPEPA.” Tingin niya ay higit na kailangan ang internasyunal presyur laluna ng mga organisasyon ng mamamayan para mabusisi at hindi maratipika ng Senado ang napakadisbalanseng kasunduan.
0 comments:
Post a Comment