Tanong: Isang pagbati! Nais ko po sanang humingi ng tulong tungkol sa problema ng yumao kong kapatid na isang OFW na namatay sa labas ng bansa. Pumunta siya sa bansang UAE para magtrabaho bilang waiter sa isang kilalang hotel. Makaraan lamang ng dalawang linggo ay ibinalita sa amin na ang aking kapatid ay nagpakamatay. Tumalon daw siya sa building na kanyang tinitirhan. Naiuwi po ang kanyang bangkay makalipas ang isang linggo.
Labis ang paghihinagpis ng buong pamilya sa nangyari sa kanya at hindi kami makapaniwala na siya ay magpapakamatay. Bago siya umalis ay napakarami niyang pangarap sa sarili at sa aming pamilya. Sa paghahangad ng magandang buhay ay isang malamig na bangkay ang aming sinalubong sa airport, kasabay na naglaho ang kanyang mga pangarap. Nakakapanghinayang ang nangyari sa aking kapatid. Isang malaking kawalan ito ng buong pamilya.
Sa ngayon ay nais naming makamit ang hustisya. Pwede kaya naming sampahan ang recruitment agency na nagpaalis sa kanya, pati na ang kumpanyang kanyang pinagtrabahuhan sa Dubai? Ito lamang po at sana ay mabigyan ninyo kami ng payo kung ano ang dapat naming gawing hakbang kaugnay nito. Maraming salamat!
( May of Muntinlupa)
Sagot: Maraming salamat sa sulat na pinadala mo, May. Nakikiramay ang buong staff ng Pinoy Interantional, hindi lamang sa iyo, kundi sa lahat ng mga pamilya na nawalan ng mga mahal sa buhay na nagtatrabaho sa labas ng bansa. Alam nating ang tanging hangarin nila ay mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.
Alam mo ba na araw araw ay 3,000 mahigit kababayan natin ang lumalabas ng bansa upang magtrabaho at may 6 hanggang 10 bangkay ang iniuuwi araw araw? Nito lamang nakaraang buwan, dalawa hanggang apat na OFW sang napabalitang nagpakamatay sa labas ng bansa. Diumano’y tumalon sila sa building, pinukpok ang ulo sa tiles at marami pang iba.
Kayo ba ay naniniwala sa mga balitang ito? Sa totoo lang nakakalungkot ang katotohanan na sa napakaraming kaso ng mysterious death sa nakaraang ilang dekada, ni isa dito ay hindi nabigyan ng katarungan. Halimbawa dito si Jhoana Tatoy, ilang araw lamang sa Dubai ay nabalitaan ng pamilya na nagpakamatay daw dahil sa homesick, pero duda ang pamilya sa resulta ng autopsy galing sa labas ng bansa. Nandiyan din sina Catherine Bautista, Louella Montenegro at Luz Pacuan, mga DH sa Lebanon na namatay noong 2005 dahil tumalon daw sa veranda ng bahay ng kani-kanilang mga amo. Marami pang iba na hindi natin mababanggit.
Sa ngayon, meron tayong batas, ang Republic Act 8042, na para daw sa karapatan at kagalingan ng mga migrante. Gayunpaman, babasahin ito ay maraming kulang para mabigyan ng tunay na proteksyon ang mga migrante. Walang sinasabi ang batas na maaring imbestigahan at sampahan ng kaso ang mga recruitment agency o kaya ang mga employers / kumpanya ng mga OFWs na namatay sa loob ng bahay ng employer o habang nagtratrabaho sa kanila.
Gayunpaman, iminumungkahi kong gawin ang mga sumusunod para maipaglaban ang katarungan para sa iyong kapatid:
- Maaaring lumapit sa OUMWA-DFA para magkaroon ng imbestigasyon sa labas ng bansa tungkol sa nangyari sa kapatid mo.
- Kumunsulta sa isang abogado hinggil sa kasong maaaring isampa, lalo na laban sa recruitment agency dito. Marami namang mga abogado ang nagbibigay ng libreng serbisyo para hindi na kayo magastusan pa.
- Sa panghuli, pwedeng lapitan ang Senate o Congress para sa isang masusing imbestigasyon sa nangyari sa kapatid mo at sa iba pang mga OFWs na namatay sa kaduda-dudang paraan. Maari ding magkaroon sila ng mga resolusyon hinggil dito.
Tanong: Isang magandang araw sa lahat ng staff ng Pinoy International!
Nais ko pong isangguni ang aking problema tungkol sa aming kapitbahay na nagre-rekrut ng mga tao para magtrabaho sa labas ng bansa. Sa kagustuhan kong mag-abroad, isa ako sa nahikayat niya at pinangakuan ako ng magandang trabaho at mataas na buwanang sahod. Hiningian ako ng P35,000 para sa visa at airfare. Nagdesisyon ang pamilya na mangutang ng pera at naibigay ito noong December 2007. Ayon sa rekruter ay makakaalis na ako sa January 2008, inaayos na umano niya ang aking mga papeles at marami daw akong kasabay paalis.
Umasa ako na makakaalis ng buwan na iyon pero hindi po ito nangyari. Ang masaklap po nito ay hindi na siya nagpapakita. Marami po kaming niloko ng rekruter na ito. Sa tuwing pinupuntahan namin sa bahay nila ay sinasabi sa aming na wala na ito at nag-abroad na daw! Hindi po kami naniniwala sa kanila. Alam namin na pinagtataguan na lamang niya kami. Ano po ang pwede kong gawin para mabawi ang perang binigay namin sa kanya? Ito lamang po, sana ay mabigyan ninyo ako ng payo hinggil sa aming problema. Salamat po!
Sagot: Salamat sa sulat na ipinadala mo. Para sa iyong kaalaman, ayon sa datos ng POEA, may sanlibong kaso ng illegal recruitment ang naisampa sa kanilang tanggapan, pero mula dito ay labing-isa lamang ang naisampa sa korte. Hindi pa alam kung ano na ang nangyari sa mga kasong ito.
Karaniwan na itong problema ng ating mga kababayan na nagnanais na magtrabaho sa labas ng bansa. Kumbaga, talamak na ito sa buong Pilipinas. Kaya naman dapat na mag-ingat at siguraduhin na ang taong ating kakausapin hinggil sa pag-aapply ng trabaho sa labas ng bansa ay konektado sa isang recruitment agency na lisensiyado ng POEA. Sa kabilang banda naman, dapat din nating malaman na kahit lisensiyadong mga recruitment agency ang ating in-apply-an ay possible pa rin tayong maging biktima ng illegal recruitment.
Hindi naman kita dini-discourage na magsampa ng kaso laban sa taong ito. Ang mga nabanggit sa itaas ay mula sa karanasan namin sa pagha-handle ng mga kaso, lalo na sa kasong illegal recruitment. Siguro mas mainam na paghandaan ang pagsasampa ng kaso laban sa taong ito. Makabubuti na kausapin mo at hikayatin ang mga nabiktima ng illegal recruitment para mas mapatibay ang kaso laban sa taong ito.
Ito ang mga hakbang o mungkahi na pwedeng gawin:
- Kumunsulta sa isang abogado na nagbibigay ng libreng serbisyong legal. Dapat alam ninyo ang eksaktong pangalan at tirahan ng taong inirereklamo ninyo.
- Gumawa ng affidavits ang bawat isa sa inyo at dapat notaryado ito.
- Kung walang abogado, mungkahi kong lumapit kayo sa mga opisyal ng baranggay o sa police station na nakakasakop sa inyong lugar at idulog ang inyong problema para mapuntahan ang bahay ng rekruter.
- Kung hindi ito magiging epektibo, pumunta kayo sa NBI Anti-Trafficking Division sa inyong lugar para magkaroon ng imbestigasyon hinggil sa taong nabanggit. Ang NBI na rin ang magre-refer sa korte para sampahan ng kaso ang taong ito
- Maaari ding lumapit sa POEA at sila naman ang bahalang mag-indorso sa korte ng kasong ito.
Lagi ko namang binabanggit, mas mainam kung meron tayong organisasyon na pwedeng lapitan. Pwede po kayong mag-email sa amin para sa ibang detalye. tanong_ategina@yahoo.com o kaya tumawag sa 09058361412.
0 comments:
Post a Comment