ni Mac Ramirez
Kabilang ako sa napakaraming mga kabataang lumaki at namulat noong dekada ‘90. Panahon iyon ng muling pag-arangkada ng Pinoy Rock na may ilang taon ding natulog. Panahon din iyon kung saan sa halos lahat ng kalye, eskinita at eskwelahan sa Metro Manila, may mga kabataang kasama sa banda o kaya’y nagbabalak magtayo ng banda. Sa resurgence ng Pinoy Rock noong early 90’s, hindi matatawaran ang malaking kinalaman ng grupong Eraserheads nina Ely Buendia, Raimund Marasigan, Buddy Zabala at Marcus Adoro.
Bago sila sumikat, tila bahagyang nahirapan ang mga naunang banda sa kanila na mahuli ang kiliti ng publiko. Pero nang mag-umpisang marinig ang mga kantang “Pare ko,” “Ligaya,” “Toyang,” at “Tindahan ni Aling Nena” ng Eraserheads noong 1993 sa kanilang unang album na Ultraelectromagneticpop!, agad tinangkilik ng buong bansa ang dating para sa marami’y “puro ingay lang” na mga banda - nag-umpisa ang Eraserheads Mania. Tuloy, pati ako, nagpabili sa Nanay ko ng drumset at pares ng sapatos na Converse Chuck Taylor, pinraktis ang kanilang mga kanta at nagtayo ng sariling banda.
Nakita ko ng live sa kauna-unahang pagkakataon ang Eraserheads noong Mayo uno ng 1993 sa Amoranto Stadium. Hindi ko makakalimutan ang pa-morningang konsyerto na iyon na alay sa mga manggagawang Pinoy. Kasi naman pumutok ang labi ko dahil sa tama ng lumilipad na takip ng maliit na drum. Pero kahit duguan ang bibig pati damit (naging pula nga ang puti kong suot), nag-enjoy pa rin ako sa dami ng mga bandang maghapon at magdamag na nagpalitan sa entablado.
Kalaunan, grumadweyt din ako sa impluwensiya ng Eraserheads at Beatles, at nag-umpisang makinig sa iba pang mga tugtugan. Hindi na kami nambubulahaw sa mga kapitbahay namin noon ng paulit-ulit na tugtog ng Toyang at Pare Ko (mas maingay na) at nag-umpisa na kaming sumali sa lahat ng Battle of the Bands na mabalitaan. Pagkatapos din ng ilang taon at sunud-sunod na hit albums, nag-disband ang Eraserheads na tinagurian na ring Beatles ng Pilipinas at nagkani-kaniya nang buhay ang mga miyembro. Marami ang nagulat sa kanilang biglaang pagkakawatak-watak, madami rin ang istorya at haka-haka ukol sa dahilan nito.
Pero kahit ganoon, malaki pa rin ang pasalamat ko sa Eraserheads dahil sa himig nila ako nagsimulang ma-hook sa musika at pagbabanda. Hanggang ngayon nga, kahit puro agiw na yung drumset ko sa bahay, tumutugtog pa rin ako paminsan-minsan. Kaya’t nung mabalitaan ko kalian lang na may pinaplanong reunion concert ang E-heads, na-excite ako at agad inalam kung talagang totoo nga ba ito.
E = 83008
Pag-search ko sa Google, nawindang ako sa dami ng blog posts tungkol sa tsismis ng reunion concert. Mga blind item pa ang gimik! May mga ibinigay na clues panaka-naka; gaya ng litrato ng chuck taylor, blurred na picture ng banda at mga miyembro at isang imahe ng titik E na may numerong 83008.
Narito ang ilan sa mga naglipanang blog posts:
“The reuniting band members have already signed the contract and this may-jah event will happen sometime around the last quarter of this year. The venue might probably be at the Pasay Area. Somewhere near that humongous Mall. They are expecting an audience of 35,000.”
“Decoding: “83008” can be a date right? And “E‘ could mean Eraserheads. So does it mean that their reunion concert will be on August 30, 2008? Will the venue be at SM MOA Complex/Grounds/Open Field or, could it also be at the CCP? Am I asking a question? Or, am I stating a fact here? =D Well, it’s the perfect time for them to reunite and for sure, a lot of their fans will be happy if this will be true.”
Ang sabi pa sa mga tsismis sa blogosphere, isang malaking kumpaniya ng sigarilyo ang nakatakdang mag-spo
nsor ng 45 minute concert, at P10 milyon daw ang bayad sa kada isang E-head.
Hanggang sa noong July 13, 2008, kinumpirma na ni Ricky Lo sa kaniyang artikulo sa Philippine Star ang bali-balitang konsert. “Yes, it’s confirmed: The Eraserheads are reuniting after many years of being apart, not for good but only for one show slated for Aug. 30 at the CCP Open Grounds.”
“According to the STAR source, all the original members… are performing — Ely Buendia, Buddy Zabala, Marcus Adoro and Raimund Marasigan. This piece of good news should make the Eraserheads fans very happy,” sabi ni Ricky Lo.
At totoo namang ‘di mapakali sa saya ang sandamukal na mga alagad ng E-heads, lalo na nang ‘opisyal’ na ianunsyo na sa Eraserheads mailing list and mensaheng ito:
“Yes it’s true. It’s been in the works for several months na. Marlboro is sponsoring this concert and paid each of the members a staggering P10M each to do a full 45-minute set. This is the official announcement:
No more blind items my dear friends. Yes. We are confirming it. There is no point denying: August 30, 2008 will be LEGENDARY!!!
The country’s most influential band ever will be reunited for ONE NIGHT ONLY.
This once in a lifetime experience will be staged at the CCP opengrounds. Tickets are free and you can download it early August. Website to be announced. ONE BRAND. ONE BAND. ONE NIGHT ONLY…”
Shrewd, manipulative marketing
Pero kung sadyang napakarami ang naglundagan sa tuwa sa balitang muling pagsasama ng iniidolong Eraserheads, may ilan din naman ang di naiwasang punahin ang maitim na adyenda sa likod ng reunion concert.
“Assuming that all that has been written about this supposed concert is true … I think the Eraserheads are doing a great disservice not just to the generation of Filipinos who were weaned on their music but also to the younger ones who are bound, I am certain, to love their songs,” pakiwari ni Caloy Conde, isang journalist at blogger.
Sa kaniyang blog na naka-post sa pinoypress.com (Why the Eraserheads’ Reunion Concert Sucks); tinukoy niya na isang “shrewd” at “manipulative” na marketing gimmick lamang ito ng Marlboro at ginagamit lamang daw ng kumpaniya ng sigarilyo ang kasikatan ng Eraserheads para bumenta ang kanilang produkto.
Kasi naman, ani Conde, ipinagbabawal na ngayon ng batas ang anumang advertisements ng ‘nakamamatay’ na sigarilyo, kaya sa ganitong paraan naisip ng kumpaniya na ilako ang produkto.
“What Marlboro did was to create the buzz, which later turned into an event that found its way to the mainstream press. In the process, Marlboro got the attention that it craves to sustain interest in its deadly product. Intelligent as they are, the Eraseheads must realize by now that they are being used by Marlboro to peddle a product that has been proven to be so fatal as to force the government to ban their advertisement and promotion in the popular press. I hope that, as the Eheads enjoy the millions that they will earn after this so-called reunion concert, they can sleep better at night,” dagdag pa ni Conde.
May punto naman itong si G. Conde, isang tuwirang pambabaluktot sa batas ang ginagawa ngayon ng kumpaniyang Philip Morris (gumagawa ng Marlboro) para lamang makabenta. Gayunpaman, kahit ako ay aminado na mahusay at pumatok ang kanilang gimik – pinag-usapan, pinag-piyestahan at inaabangan na ngayon ng buong bayan ang konsyerto. Ayon nga sa maraming mga usisero diyan sa tabi-tabi, kahit pa biglang iurong o hindi na ituloy ang Eraserheads reunion concert, wala lang ito sa Marlboro. Ang dami na kasi nilang inaning marketing points sa dami ba naman ng excited na mga Pinoy sa internet.
Pero ako, panonoorin ko pa rin ang reunion concert sa simpleng dahilan na gusto ko ulit marinig at makitang magkasamang muli ang banda na kinagiliwan ko noong hayskul. Hiling ko lang, sana wala nang lumilipad na takip ng drum sa konsyertong ito. Kitakits!###
Kung Saan P7 Lang ang Pamasahe
Mac Ramirez
Alas-kuwatro pa lang ng umaga, gising na si Mang Daniel Soriano, 41, para umpisahan ang maghapong kayod sa manibela. “ ‘Pag hindi ako magsisipag, walang kakainin ang pamilya ko,” aniya, kaya naman ‘hataw’ kung bumiyahe itong si Mang Daniel.
Pero habang maraming mga tsuper ang natuwa sa pagtaas ng minimum na bayad sa pamasahe patungong P8.50 kamakailan dahil na rin sa di maawat na pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo, wala naman raw itong epekto kay Mang Daniel. Kasi naman, sa lugar kung saan siya bumabiyahe, pitong piso lang ang pamasahe - di hamak na mas mababa sa itinakdang singil ng gubyerno.
EDSA-Bagong Barrio sa Caloocan ang ruta ni Mang Daniel. May halos isang daan ding dyip ang bumabagtas sa rutang ito. “Wala naman kaming magawa. Hindi kami puwedeng magtaas ng pasahe kasi wala nang sasakay sa‘men,” paliwanag ni Mang Daniel habang naghihintay sa pila at sukbit-sukbit pa sa katawan ang sisidlan ng kinita sa maghapon.
May mga bumibiyahe din kasing mga tricycle sa ruta nila na pitong piso din ang sinisingil sa mga pasahero. Kaya naman hindi maaaring sumabay ang mga tsuper ng dyip sa Bagong Barrio sa minimum fare increase na itinakda ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Kalbaryo ng mga tsuper sa Bagong Barrio
Sa katunayan, noong Hulyo 7 lamang naging pitong piso ang minimum na pamasahe sa dyip sa Bagong Barrio. Bago nito, limang piso lamang ang kailangang bayaran ng mga pasahero.
Ito ang matinding kalbaryo ni Mang Daniel, sampu ng kaniyang mga kapwa tsuper sa Bagong Barrio. Sabi nila, hirap na hirap na sila sa halos lingguhang pagtaas ng presyo ng krudo. “Hindi na ba matatapos ang mga pagtaas na ito?,” tanong ni Mang Daniel. “Hirap na hirap na kaming mga drayber dito.”
Tatlong daang piso ang karaniwang boundary ng mga tsuper sa Bagong Barrio at P250 naman kung walang pasok. Sabi ni Mang Daniel, suwerte na raw ang mga drayber doon kung makapag-uwi sila ng kita na P200. “Ang kumikita lang talaga dito ng malaki ay ang mga kumpaniya ng langis. Sabi nila nalulugi sila kaya kailangang magtaas ng presyo, kalokohan ‘yon. Imposibleng malugi sila” bulalas pa niya.
Limandaang piso hanggang P700 daw ang ginagastos ng mga tsuper sa Bagong Barrio sa krudo pa lamang. Kung kaya minsan, si Mang Daniel, alas-dose na ng hating-gabi natatapos sa pamamasada, may maiuwi lang kahit kaunting pera sa pamilya.
“Minsan nga pangkain na lang, kulang pa. Wala na nga kaming panahon mag-hapi-hapi,” sabi ni Mang Daniel, sabay tawa. Nang makapanayam ng Pinoy International mag-aalas-singko, Linggo ng hapon; wala pang boundary si Mang Daniel. Idinagdag pa nga niya, baon na baon na siya sa utang. Humiram lang daw siya ng isang libo sa nagpapa-five six noong Sabado para lang may ipantawid sa gutom. May mga kailangan din daw kasing bilhin sa eskwela ang dalawa niyang anak sa hayskul. Daing pa ni Mang Daniel: “Sa sitwasyon nga naming mga drayber ngayon, hindi ko na nga alam kung papaano ko papaaralin ang mga anak ko sa kolehiyo. Bahala na.”
0 comments:
Post a Comment