EDITORIAL

Mahahalata sa SONA ni Pang. Arroyo, sa pagtaya ng gubyerno, hinibang na tayong lahat ng gutom. Ipinatatanggap na lamang sa ating wala silang pananagutan, ni paliwanag, sa mabilis na paglalim ng karalitaan sa bansa. Inaasahan nilang ipagpapasalamat na natin ang awa at mumong limos na kanilang alok. Pinaniniwala tayong pagpiga pa ng buwis ang ultimong solusyon sa krisis. Rurok na ito ng pagmaliit at pag-insulto ng pamahalaan sa kakayahan ng mamamayang limiin ang mali sa tama, ang buktot sa makatarungan.


Malamang dahil laging bundat at marangya ang pamumuhay, hindi batid ng mga nasa kapangyarihan ang ginagawa ng lagi’t-laging gutom sa tao.


Taliwas sa inaasahan ng gubyerno, hindi minamanhid ng pagdurusa ang mamamayan. Bilang ng mga tsuper, may 20 beses na tumaas ang presyo ng langis mula Enero hanggang Hulyo. Bawat araw, mas nakakapamitig ng binti ang pagpila ng mamamayan para sa NFA rice. Kinukwenta-kwenta ng mga manggagawa kung magkano ang dapat nilang sahurin para makapamuhay ng disente ang kanilang pamilya. Doble, triple man ang trabaho, laging nakatutok ang isang tainga ng mga OFW sa mga kaganapan sa iniwang bansa.


Malayo sa pangarap ng pamahalaan, hindi sila pinapanginoon ng masa kapalit ng mga pakitang-taong limos. Habang nakapila sila sa pagkuha ng P500 pantawid kuryente, habang inaabot nila ang sari-saring pautang package, nagpupuyos ang kanilang kalooban dahil hinuhubdan sila ng gubyernong ito ng dignidad at ginagawang mga kaawa-awang pulubi.


Pinapatalas ng pang-araw-araw nilang pakikihamok sa buhay ang pagsuri ng mamamayan sa reyalidad. Nasusuma nila, higanteng tubo ang kinakabig ng mga kumpanya ng langis sa lingguhang pagtaas ng presyo nito. Nakikita nila, mga dayuhang kumpanya, malls at golfcourse na ang nakatayo sa dating malalapad na taniman ng palay. Nasusubaybayan nila, lalong yumayaman ang pamilyang Arroyo habang nasa kapangyarihan. Mahirap tanggapin ang sinasabi ni Pang. Arroyo na biktima ang lahat sa kasalukuyang krisis. Alam ng mamamayan, kahit pa nga sa aksidente at kalamidad, mayroong may kasalan, may kailangang managot.


Kung kaya, labindalawang beses mang sinambit ni Pang. Arroyo ang VAT sa SONA, parang mantra mang inulit-ulit niyang sasagipin tayo ng VAT, hindi nito malilinlang ang mamamayan. Batid ng mamamayan, ipinagtatanggol ni Arroyo ang VAT dahil pondo itong mawawaldas sa katiwalian at pambayad utang sa mga dayuhan. Kalabisan nang kumbinsihin pa tayong maniwala na dapat pang kuhanan ng dugo ang agaw-buhay nating katawan para gamiting pampataba sa mga dayuhan at nasa kapangyarihan.


Hindi batid ng pamahalaang Arroyo, higit na nakahihibang kaysa gutom ang pagkalunod sa yaman at kapangyarihan. Kung kaya iniisip nitong mangmang at wala sa katinuan ang mamamayan. Kung kaya inaakala nitong sapat na ang kanyang pag-arte sa SONA at ilang kusing na kawanggawa para himasin ang disgustadong mamamayan.


Higit sa anupaman, tinuturuan ng kagutuman ang mamamayan na hanapin ang solusyon sa kanilang kalagayan. Dahil walang laman ang sikmura, sa naghihimagsik na damdamin sila humuhugot ng lakas. Hindi malayong maganap, habang naglulunoy ang pamahalaang Arroyo sa kanilang kahibangan, gugulantangin na lamang sila ng pagsambulat ng galit ng sambayanan.

0 comments: